What You Can Find Here

This blog contains sentiments from a very sentimental person. Please bear with his sentimentality.

"There is nothing more frightful than ignorance in action." - Johann Wolfgang von Goethe

"He who joyfully marches to music in rank and file has already earned my contempt. He has been given a large brain by mistake, since for him the spinal cord would surely suffice." - Albert Einstein

Friday, July 15, 2011

Ang Sampung Salot ng Pilipinas

(Note: This is exactly the same as "The Ten Plagues of the Philippines." I just felt the need to make a Filipino version of this article, so as to make it more understandable by Filipino laymen.)

Tinalakay ko sa nakaraan kong artikulo ang tungkol sa matinding pangangailangan ng isang repormang pulitikal at ekonomikal upang masagot ang pangangailangan ng mamamayan. Ngunit hindi nangangahulugan na ang pamahalaan lamang ang may sala sa mga suliranin ng ating bansa. Sa artikulong ito, ating bibigyang-pansin ang mga kasamaang bumabagabag sa sentral na bahagi ng ating bayan; tayong mga mamamayan.

Sa “blog entry” na ito, ating tatalakayin ang mga tradisyon at mga nakagawian na nagpako sa atin sa kahirapan at korapsyon; ating pag-uusapan ang mga “aral” na naukit na sa ating diwa na pumipigil sa ating pag-unlad bilang isang lipunan; at ating tatalakayin kung ano ang nagkukulong sa atin sa kalungkutan at pagkalito... kung ano ang maaaring magdala ng ating pagkasira bilang isang bansa.

Oras na, mga binibini’t mga ginoo, upang pangalanan ang sampung salot ng Pilipinas.

Ang Unang Salot: “Biktima-ismo”

Ngayon, ang isang tipikal na Pilipino ay maaaring sumumbat na parang ganito:

“Paanong tayo, ang mamamayan, ay may kinalaman sa mga problema dito sa Pilipinas? Paanong mayroon tayong mga katangian na sumisira sa ekonomiya at sa reputasyon ng ating bayan? Paanong tayo, ang mga Pilipino, na kilala bilang isa sa mga pinakahospitableng mga tao sa buong mundo, mga masisipag at malapit sa pamilya, ay mga dahilan ng pagkasira ng ating bansa? Paanong tayo, ang mga biktima—“

Maraming beses na nating ipinilit na tayo’y mga biktima ng lahat ng mga kasamaan na umatake sa ating bayan. Palagi nating sinasabi na tayong ang mga inapi, ang mga kinaaawaan, ang mga aba sa drama ng ating lipunan. Ano ang dahilan ng ganitong pagkondisyon sa isip ng ating mga mamamayan? Hindi kaya ang madalas na paglalarawan sa mga bida ng mga palabas sa telebisyon; ang mga inapi at minamaliit? Ito kaya’y buhat ng tatlong magkakasunod na pananakop ng mga dayuhan sa Pilipinas? Ang aking pagninilay-nilay ukol sa mga Pilipinong mahilig umarte bilang mga “biktima” ang nagdala sa akin sa mga teoryang ito.

Ngayon, sabihin ninyo sa akin; maganda ba na ibase natin ang ating ipinaglalaban sa ideyang tayo’y mga biktima sa isang telenovela? Nakakagaan ba ng loob na ituring ang ating mga sarili bilang mga inapi sa sarili nating lipunan? Kailangan ba talagang isabuhay ang isang pag-uugaling “pessimistic” at nakakasira sa sarili para lamang makahakot ng simpatiya mula sa mga tao sa ating paligid?

Kumawala na tayo sa ilusyong ito. Sa pagpapatuloy natin sa pagturing sa ating sarili bilang mga “biktima,” tayo na rin ang bumibiktima sa ating mga sarili. Isinasabuhay natin ang ating pananaw tungkol sa ating mga sarili sa ating pag-ungol tungkol sa ating mga problema, sa pagsira ng ating kumpiyansa sa sarili, at ang pagrereklamo tungkol sa kung bakit hindi pa dumarating ang ating mga tagapagligtas. Ito ba ang gusto natin? Ang maging katulad ng mga mamamatay na aba, desperadong maligtas ng isang taong hindi naman tayo sigurado kung darating?

Ito ang nais kong sabihin sa inyo, mga Pilipino. Kung paano ninyo itinuturing ang inyong mga sarili, iyon din ang lilikha ng inyong pagkatao. Sa inyong pagkondisyon sa inyong mga sarili bilang mga biktima, kayo rin mismo ang mga nagiging problema; mga mabibigat na krus na pinapasan ng ating mga nagsisikap na mamamayan. Totoo na tayo’y naging biktima ng pagtataksil at kasakiman sa maraming paraan, ngunit ito ang mahalagang tanong; dapat ba tayong manatiling mga biktima ng ating kwento, o dapat ba tayong tumayo at maging sarili nating mga bayani?

Ang Ikalawang Salot: “Kayabangan”

Ang makakabasa ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Jose Rizal ay walang dudang maaalala si Doña Victorina, isang kasuklam-suklam na matandang babae, na matapos makihalubilo sa mga Kastila ay idineklara ang sarili bilang Kastila at itinakwil ang kanyang pagka-Pilipina, sa puntong iniinsulto na niya ang kanyang kapwa na para bang dapat silang lumuhod sa harap niya. Tunay ngang kaawa-awang tao si Doña Victorina. Ngunit nakakalungkot na nakawala si Doña mula sa mga pahina at ikinalat ang kanyang impluwensiya sa ating kapwa Pilipino. Ngayon, hindi mabilang-bilang ang dami ng mga Doña Victorina sa ating lipunan; isang nakapanlulumong katotohanan, isang malabangungot na ideya.

Hindi ako isang estranghero pagdating sa mga ganitong klaseng tao. Maraming beses na akong nakasaksi ng mga Pilipinong ubos-kaya ang papuri sa sarili, kung saan ang kanilang kayabangan ay lumolobo nang walang control, dahil lamang nakuha nila ang gusto nila, tulad ng iPad o kung ano pa man, o di kaya’y dahil nanalo sila sa isang paligsahan, kuwan-kuwan-kuwan. Isa itong di-kaaya-ayang karanasan, at ang aking puso ay napuno ng inis at awa.

Ang mga Pilipinong may pagmamalaking wala sa lugar ay kasama rito, sa kadahilanang ang kanilang pagmamalaki ay, malamang, wala sa lugar. Lagi na lamang binabara ng mga mayayabang na Pilipino ang mga mapanuri sa mga kamalian ng ating lipunan, sa mga tradisyonal nating karamdaman at sa ating kawalan ng magandang asal, na nagpapatunay lang kung paano kasama ang ugali ng iba nating kapwa Pilipino. Patuloy nilang binabansagan ang mga mapag-isip na “nerd,” “geeks,” at “anti-Filipino,” at sinasabing naiinggit lang daw sila sa kanilang mga nagawa. Halos naririnig ko na sila, sinasabing:

“Nainggit lang kayo dahil marami na kaming nagawa bilang ilang bansa. Masisipag kaming mga tao, at kaya naming makibagay sa kahit anong sitwasyon. Mapunta na kayo sa impyerno!”

“Isa itong patunay kung paano lumubha ang kayabangan ng Pilipino sa pagdaan ng panahon; at hindi ito maganda. Inihalintulad ni Binsfield, isang dalubhasa sa “demonology,” ang kayabangan kay Lucifer, ang anghel na nag-rebelde sa Diyos. Para sa mga “atheists,” pinapalagay na ang kayabangan ang ugat ng lahat ng kasalanan. Nakikita niyo na kung saan ako papunta; tayong mga Pilipino ay may asal na maaaring sumira sa ating lipunan at imahe.

Hindi ko sinasabi, aking mga kababayan, na itigil niyo ang pagmamalaki sa inyong mga napagtagumpayan. Sinasabi ko lamang na ilagay niyo sa tamang lugar ang inyong pagmamalaki, dahil kung titingnan ang kabuuan ng mga bagay-bagay, malalaman nating ang mga indibidwal at pangkalahatang tagumpay ay hinding-hindi pa kagaya ng mga nasa pantasya natin.

Ang Ikatlong Salot: “Projection”

Pinag-aralan naming noong hayskul sa MAPEH (Musika, Sining, Edukasyong Pisikal at Kalusugan), ang iba’t-ibang paraan kung paano nireresolba ng tao ang kanyang mga problema sa buhay. Sa mga paraang ito (ang alam ko’y mayroong anim na uri nito), isa lamang ang nakakuha ng aking atensyon; “projection.” Ang “projection” ay isang paraan kung saan upang mawala ang sama ng loob, ibinabaling ng isang tao ang sisi sa iba, para nga naman hindi na niya dalhin ang sariling pasanin... sa kanyang pananaw.

Nakuha nito ang aking atensyon dahil, alam niyo na ito, ginagawa ito ng maraming Pilipino. Marami sa kanila ang palagi na lamang naghahanap ng maaaring sisihin upang mawala ang kanilang sama ng loob; kung saan ang pamahalaan ang kadalasang pinupunterya. Ito na ang naging kalakaran ng mga mahihirap na Pilipino sa pagdaan ng panahon sa ating bansa; ang gobyerno bilang buntunan ng sisi upang sila’y makatakas at gumaan ang pakiramdam.

“Bakit tayo naghihirap? Bakit walang ginagawa ang pamahalaan?” ang kadalasang daing ng maraming mahihirap na mamamayan sa ating bansa. Hindi talaga sila napapagod sa pagsigaw sa buong mundo na ang kanilang kahirapan ay bunsod ng gobyerno hindi kayang tustusan ang kanilang pangangailangan. Tama ba ang ganitong pag-uugali? Ano nga ba ang ginagawa nila upang makaahon mula sa hirap?

Ginagawa naman nila ang kanilang makakaya upang mapabuti ang kanilang kalagayan. Matiyaga sila sa kanilang trabaho, ang walang habas na pakikipagtalik sa kanilang mga asawa upang gumawa ng isang batalyon ng mga anak, habang wala naman silang pera upong sila’y suportahan, at sabay sisisihin ang gobyerno sa kanilang paghihirap. Nagsisipag sila sa kanilang bokasyon bilang mga sugarol, maging iyan ay “jueteng,” “mah-jong” o sabong, kahit wala na silang pera. Handa nilang pagtrabahuhin ang mga anak sa mga lansangan para mamalimos o magtinda ng sampaguita, mga kendi o kahit sigarilyo, habang nakatuon sila sa kanilang trabaho, at kadalasan, iyon ay ang pag-inom at paggawa ng bata. Masisipag nga silang mga tao; siguro naman tama ang kanilang ipinaglalaban? Aba’y lubhang sila’y nagsisipag sa matagal na panahon!
Hayaan niyo muna ako sandali habang ako’y napapaluha.

Ang “projection” ang naging pangunahing solusyon ng mga Pilipino pagdating sa mga problema, at mukhang gumagana ito para sa iba; ngunit ano ang kabayaran? Makatarungan ba ang paglimot ng isang tao sa kanyang problema at ilipat ito sa iba para lamang gumaan ang kanyang loob?

Mga kababayan ko, inyo bang dinadala ang inyong mga sarili tungo sa kasaganaan sa pamamagitan ng walang habas na “projection” (paninisi)? O dapat ba nating ibahin ang ating nakaugalian, tumayo at akuin ang mga responsibilidad para sa ikabubuti ng lahat?

Ang Ikaapat na Salot: “Celebrity Syndrome”

Papalapit na ang halalan. Marami na ang nagpahayag ng kanilang kagustuhang tumakbo para sa iba’t-ibang posisyon sa gobyerno, maging pambansa man ito o lokal. Samantala, ang mga mamamayan naman ay nag-iisip na kung sino ang dapat iboto. Alam naman nating lahat na ang halalan ay isang mahalagang aspeto ng ating lipunan, partikular sa isang demokratikong lipunan (ang ating bansa ay isang republika; ang republika ay isang uri ng demokrasyang representatibo), kung saan ang bawat tao na nasa legal na edad ay may pagkakataong iboto ang mga taong sa tingin niya’y kaya tayong dalhin tungo sa magandang kinabukasan. Ang pagboto sa isang tao ay nangangailangan ng matinding pagsusuri tungkol sa kung ano ang natapos ng taong iyon, kung ano ang mga nagawa niya para sa lipunan, ang kung gaano kaganda at kapaki-pakinabang ang kanyang plataporma.

Ngunit ano ito! Kay sakit malaman na ibinoto ng mga tao ang mga kandidatong nagdadala sa atin sa ating pagkagunaw. Ibinoto nila ang mga huling taong gusto kong makitang pinangangasiwaan ang mga napakahalagang bagay tulad ng ating lipunan at ekonomiya; mga artista.

Ito na ang nagging kalakaran nitong mga nakaraang taon; mga artistang nais maging pulitiko, marahil ay upang magpayaman sa iba’t-ibang kadahilanan, marami doon ay maaaring pansarili lamang. Ang malaking problema ay marami sa ating mga kababayan ang nauuto rito. Handa silang yumukod sa impluwensya ng mga sikat na taong ito, kung saan bulag nila silang sinusundan at kung saan sila’y mahigpit na kumakapit sa kanilang mga pangako, nang walang pag-aanalisa kung kaya ba nilang tuparin ito, lalo pa’t hindi naman sila talaga mga pulitiko mula’t sapul. Gawing halimbawa si Manny Pacquaio; ang Pambansang Kampeon sa Boxing ng Pilipinas na isa na ngayong konggresista. Ito ay lubhang nakakainis, at ito’y isang malaking insult sa kredibilidad ng ating pamahalaan. Ang pagtanggap sa isang taong wala namang koneksyon sa pulitika sa ating gobyerno, ito’y tanda ng kamangmangan. Ano ba ang maaaring sanhi ng pangyayaring ito na makakamit lamang sa pamamagitan ng pagkondisyon sa isip ng masa? Syempre, ang kasikatan at impluwensiya.

Marami sa ating mga Pilipino ang gumagawa ng mga desisyon base lamang sa impluwensya ng mga tao sa telebisyon; walang pagtatalo sa nakakalungkot na katotohanang ito. Paulit-ulit na mas pinaboran ng mga Pilipino ang mga walang kakayahan ngunit tanyag ng mga tao kaysa sa mga simple ngunit matatalinong “diplomat” at mga dalubhasa. Oo, pinag-uusapan natin si Noynoy Aquino, na ang dahilan lang naman ng kanyang pagkakaluklok sa pwesto ay dahil sa pagkamatay ng kanyang sikat na ina (na umani ng simpatya mula sa milyung-milyong tao), at syempre dahil na rin sa kanyang kapatid; si Kris Aquino, ang Reyna ng mga “talk shows.” Kahit si Fernando Poe Jr., isang sikat na artista ay muntik nang manalo sa halalan noon. Dagdag pa rito ay ang pagiging pangalawa ni Joseph Estrada (tinalakay ko na ang mangmang na ito na nakaraan kong artikulo), sa huling halalan (sunod kay Noynoy). Ang di kapani-paniwala rito ay nagging pangulo na si Estrada dati, at malinaw na nakasaad sa ating Konstitusyon na hindi na maaaring tumakbo sa pagka-presidente ang naging president na. Ngunit natatalo marahil ang lohika ng kasikatan at impluwensya, o di kaya’y ganito lang talaga ang kalakaran sa aking mahal na bansa; ang galing-galing.

Ang Ikalimang Salot: “PNY (Pwede na ‘yan) Syndrome”

Pwede na ‘yan – ang madalas na ugali ng Pilipino kung saan madali siyang makuntento sa mga bagay na maaari pang pagandahin.

Bigyan na natin ng pansin ang ating industriya ng “entertainment,” kung saan talagang nababagay ang mga artista. Gamit ang markang isa hanggang sampu, paano mo mamarkahan ang mga pelikula at mga awitin sa ating bansa? Maaaring dahil sa bugso ng nasyonalismo, maaaring magkaroon ng markang walo o sampu. Ngayon, paano kung ikumpara natin ang ating mga gawa sa mga gawa ng ibang bansa, tulad ng US o Japan; sa isang perspektibong walang kinikilingan, paano mo sila iiskoran?

Maaari akong paulanan ng pambabatikos hinggil sa “colonial mentality” ko kuno. Ito ang masasabi ko. Bahala kayo’t sabihin niyo ang gusto niyong sabihin, ngunit nagpapakatotoo lang ako. Bagamat pinagpupugay ko ang mga kagila-gilalas na likha ng ating mga artisano na nakilala sa ibang bansa (sa kabutihang palad, mayroong mga ganito), sa pangkalahatang pananaw, ano ang kalagayan ng ating industriya? Ilang beses nang nagpalabas ang pambansang industriya ng mga pelikula ng mga pangkaraniwan at nakakasawang mga palabas na lagi akong iniirita. Ang mga kwento ay paulit-ulit at madaling hulaan, ang mga CGI ay makaluma, dahilan upang maging kasingkahulugan ng Metro Manila Film Festival, na ginaganap taun-taon tuwing Disyembre, ang salitang “kasuklam-suklam” sa aking diksyunaryo. Samantala, ang ating industriya ng musika, ay nauwi sa paulit-ulit na pagkanta nga mga sikat na awit mula sa ibang bansa, dahilan upang mawala ang kanilang pagkamalikhain, na nagdudulot ng pagbagsak ng OPM, na ang ibig sabihin ay “Original Pilipino Music.”

Hanggang sa industriya ng “entertainment” lang ba tayo? Ano naman kaya ang dahilan upang magrebelde ang ilang mga tao laban sa “protectionist act” ng ating bansa at laban sa polisiyang “Filipino First”? Sa taong may maayos na pag-iisip, alam na niya ang sagot sa tanong na ito. Bagamat di ko sinasabi na kailangan nating pilitin na gayahin ang ibang bansa (sinisira nito ang ating pagkamalikhain), hindi ba dapat nating ituring ang kanilang mga nagawa bilang tanda na dapat din tayong sumulong?

Ang Ikaanim na Salot: “Pautang-Palibre Syndrome”

“Pautang naman. Palibre naman.”

Naging bukambibig ito sa pagitan ng mga magkakaibigang Pilipino sa panahon ngayon. Nagkaroon pa nga tayo ng tawag sa mga taong mahilig magpalibre; “kalog,” marahil dahil ang kalog ay nagpapaalala sa atin ng pagkalog ng mga barya. Mababaw lamang ang pinag-ugatan ng salitang ito, ngunit ito ang maaaring dahilan kung bakit ito ang naging katawagan. Datapwa’t hindi natin tatalakayin ang linggwistika; tayo’y narito upang pag-usapan ang isang ugaling parang wala namang idudulot na masama ngunit isa palang parasitiko at nakakaagrabyadong asal sa ating mga Pilipino. Ang tawag ko sa salot na ito ay “Pautang-Palibre Syndrome.”

Paano naging parasitiko ang katangiang ito? Katuwaan lang naman ito. Subalit, lagi nating isipin na ang isang nakahiligang hindi natututukan ay nagiging bisyo. Kung ano ang “katuwaan” lang para sa atin sa simula, ay nagiging bisyo kapag hindi nagabayan o hindi pinansin. Kalat na ang mga utang sa mga naghihirap na bahagi ng Pilipinas. May mga taong binabaon ang sarili sa utang masuportahan lang ang kung ano ang magpapasaya sa kanila, o dahil hirap silang makahanap ng trabaho.

Kung ano man ang kadahilanan, istupido man o marangal, ang hindi kontroladong pangungutang ay nakakasakit para sa nagpapautang pati na rin sa umuutang, dahil halos ng mga utang sa pagitan ng mga dukha ay hindi nababayaran.

Isa pang magandang halimbawa ay ang mga Pilipinong walang kontrol sa sarili pagdating sa paggamit ng “credit cards,” kung saan ay bili sila ng bili ng mga bagay-bagay, hanggang sa malaman nilang sila’y naghihikahos na mabayaran lamang ang kanilang mga utang.

Huwag nating alagaan ang sakit na ito, aking mga kaibigan. Huwag nating basta ituring ang mga utang at palibre bilang mga maliit na bagay na maaaring hindi pansinin. Balang araw, maaaring matagpuan mo na lamang ang iyong sarili na tuluy-tuloy lang sa paghingi ng mga regalo at ang pag-asa na pauutangin ka palagi ng ibang tao, dahil hinayaan mo lang na makagawian mo ito. Sikolohiya lamang ito, mga mamamayan; katulad ng sinabi ko kanina, ang isang nakahiligang hindi natututukan ay nagiging bisyo.

Ang Ikapitong Salot: “Kakulangan ng Disiplina”

Hindi na kailangang turuan ang isang taong kilala na ang mga Pilipino upang maintindihan kung bakit talamak ang salot na ito sa Pilipinas, lalo na kung ang taong ito ay nakatira sa Pilipinas. Para bang ang ating mga isip ay natural na rebelde, na maaaring dahilan kung bakit marami sa atin ang nagsasawalang-bahala sa kahit mga pinakasimpleng alituntunin.

Pagpa-park sa “no-parking” na espasyo, paninigarilyo sa mga lugar na bawal manigarilyo, pagtatapon ng basura kung saan-saan kahit mayroon namang mga basurahan, pagkuha ng mga pasahero sa pwestong “no loading,” pilit na paghingi ng sukli mula sa mga “exact fare ticket booths,” pagtawid sa mga hindi naman tawiran; ano pa? Nakasaad sa isang salawikain na “kinagigiliwan ng mga tao ang isang rebelde,” ngunit sa tingin ko’y sumosobra na ang iba sa ating mga kababayan.

Ang kakulangan ng disiplina ay hindi lamang sa pagsunod sa mga batas; lumalabas din ito kahit sa ating pakikitungo sa kapwa. Ang pagsingit sa linya para lang mauna ay isang magandang panimula para magnilay-nilay. Maraming beses nang nagawa ito, hanggang sa ito’y maging karaniwan na lamang, ngunit hindi ito magiging tama dahil lamang lagi itong ginagawa. Ang paggawa ng masama nang paulit-ulit ay hindi magiging mabuti, katulad ng pagsusuma ng mga negatibong numero sa matematika. Ang isang madalas na halimbawa ng kabastusan sa Pilipinas ay makikita sa mga MRT (Metro Rail Transit). Alam ko ito dahil sumasakay ako ng tren dalawang beses sa isang linggo.

Halos hindi ko maipaliwanag ang aking pagkayamot habang walang habas ang pagbundol ng mga napasok sa tren sa ibang mga pasahero, sa halip na hayaan muna silang makalabas bago pumasok. Tulad nga ng sinabi ng isang nagkumento sa “Yahoo! Philippines News” hinggil sa mga nakakairitang bagay sa mga MRT:

“ang MRT high tech! automatic. pagpasok mo, automatic ka ng nadadala ng mga taong nagtutulakan papasok sa loob! tapos automatic din pag-exit kasi para ka lang dinadala ng agos ng tao palabas after. minsan matatanung mo sarili mo kung nagamit mo ba mga paa mo or lumutang ka papasok at palabas ng mrt sa kakatulak ng mga tao. It's Automatic!!!!”

Laging nakakalusot ang mga Pilipino sa mga ganito gamit ang mga palusot na:

“Minsan lang naman ‘to e.”

“Maliit na bagay lang naman ‘yan.”

Nais kong paalalahanan kayo, mga mahal kong kababayan, na ang lahat ng mga hindi mahalagang kapilyuhan na ginawa natin sa pagdaan ng mga taon, ang mga maliliit kuno na kasalanan na palagi nating ginagawa at kinakalimutan dahil “hindi naman sila mahalaga,” ito ang mga bagay na naging dahilan upang hindi tayo pagkatiwalaan ng mga dayuhan.

Ang Ikawalong Salot: “Nepotism”

Ang aking tiya, ang pangalawang anak ng kapatid ng lola ko sa aking ina, ay nangarap na makapagtrabaho sa “Department of Foreign Affairs.” Sa lahat ng aspeto, lagpas na siya sa mga kwalipikasyon. Isa siyang dalubwika na may magandang pinag-aralan, nakapag-aral sa ibang bansa at nakapag-ikot pa sa Europa, salamat sa kanyang “scholarship.” Ang isang aplikanteng kagaya niya ay masyadong magaling upang balewalain; ngunit sa kasamaang palad, may “nepotism.” Hindi niya nakuha ang trabaho.

Nadiskubre na lamang ng aking tiya na nakuha na ang lahat ng mga posisyon ng mga taong magkakamag-anak. Dahil ang buong departamento ay pinangagasiwaan na ng isang pamilya, wala nag paraan upang maresolba ang suliraning ito. Kinailangan niyang humanap ng ibang hanapbuhay. Ito ay isang masalimuot na resulta ng “nepotism,” o ang hindi makatarungang pagpanig sa mga kamag-anak.

Matagal nang binabagabag ang lipunang Pilipino ng “nepotism.” Pinreserba na ng mga pamilya ang mga mahahalagang posisyon sa gobyerno, kung saan ang bata ang pumapalit sa matanda. Maraming dinastiya na ang naitatag sa mga negosyo, dahilan upang magkaroon ng mga oligarkiya sa sektor ng negosyo. Maraming Pilipino na may karapatan ang nawawalan ng trabaho, dahil sa mga taong may mga koneksyon lamang. Hindi ito makatarungan, di ba? Ang ganitong uri ng sistemang panlipunan ay katulad ng isang sistema kapitalista, kung saan ang pagpapalago ng yaman ay nasa mga kamay lamang ng mga piling makapangyarihan; sa kaso nito, ang pamilya. Bakit ganito katalamak ang kawalan ng katarungan sa ating bansa?

Sa isang banda, maaaring may kinalaman an gating tradisyonalistikong pananaw pagdating sa konsepto ng pamilya. Paulit-ulit na iginiit ng ating mga ninuno ang prinsipyong ito sa ating isipan; “mas malapot ang dugo kaysa tubig.”Naging kalakaran na sa pag-uugaling Pilipino ang unahin muna ang pamilya sa lahat ng kanyang mga mithiin kahit anong mangyari, dahil dapat daw magbuklud-buklod ang mga magkakapamilya. Masama ba itong ideya? Aba’y hindi; ang pagbubuklod ng mga magkakapamilya ay isang magandang adhikain, at maaari nitong palakasin ang mga relasyon ng mga miyembro ng pamilya sa isa’t isa. Iyon nga lang, marami sa ating mga Pilipino ang nagsasamantala sa konseptong ito upang makapang-isa ng ibang tao.

Mas pinapaboran ng ibang mga negosyante ang kanilang mga kapamilya kahit mga mangmang naman at kulang sa karanasan kaysa sa mga matatalinong aplikante, dahil sabi nga raw, “mas malapot ang dugo kaysa tubig.” May mga taong napipilitang alagaan ang mga inutil nilang kamag-anak, pinakikisamahan ang kanilang katangahan at masamang ugali, dahil sila’y “kapamilya nila.” Hindi ba isa itong parasitikong relasyon at hindi kaaya-aya? Isa itong hubad na kabuktutan, bunsod ng pagsasamantala ng ating mga aral.

Hindi dapat gamitin sa diskriminasyon ng iba ang pamilya. Maging resonable tayo rito.

Ang Ikasiyam na Salot: “Asal-Alimango”

May mga nagsasabing para tayong mga alimango. Bakit ganito? Dahil ba tayo’y mga “arthropods” pala? Dahil ba patagilid tayong lumakad? Dahil ba masarap tayo kapag hinaluan ng “tartar sauce”? Habang isinasantabi ko ang salat kong kakayahang magpatawa, tayo’y binansagang mga alimango, hindi dahil tayo’y talagang mga alimango, ngunit sa isang dahilang hindi magandang pakinggan.

Ang asal-alimango ay isang ugali kung saan hinihila natin pababa ang isang taong umuunlad, katulad ng kung paano humihila ng mga bagay ang mga alimango gamit ang kanilang mga sipit, madalas ay dahil sa inggit. Ang ganitong klaseng disposisyon ay nakakabahala, at lubhang nakakaalarma’t nakakabagabag na tinatawag tayong mga alimango. Subalit, kung titingnan natin an gating lipunan, kahit gaano kasakit, may punto rin ang mga bumabansag sa atin ng ganito.

Mga OFW ang aking mga magulang, bagamat napagpasyahan ng aking ina na manatili rito upang matutukan ang aking mga kapatid na babae. Gayunpaman, sila’y nakakilala ng maraming mga dayuhan at mga kapwa OFW. Nasaksihan nila mismo kung paano nanggamit ang kapwa natin Pilipino upang matupad ang gusto nila, kung paano sila nandaya upang maabot ang tuktok. Ang nakakalungkot pa rito ay hindi sila nag-aalinlangang pagtaksilan o isakripisyo kahit na ang kapwa nila Pilipino para sa kanilang pansariling interes.

Habang nakatira ang aking mga magulang sa “apartment,” lagi na lamang nilang naririnig ang mga Pilipinong naglalaitan, binabatikos ang isa kapag siya’y nakatalikod, at ginagawa ang lahat mahila lang pababa ang reputasyon ng isa’t isa. Nakakalungkot isipin na marami sa atin ang naging pawang mga nilalang na walang moralidad, hinahayaang magdusa ang iba para sa kanyang adhikain. Alalahanin na lamang natin ang mga kababayan natin sa bawat sulok ng mundo na pinaslang ng kapwa nating Pilipino. Tunay ngang sa pagdaan ng panahon sa ating bansa, tayo’y namuhay nang hati-hati at may galit sa isa’t isa.

Minsang sinabi ng aking ina na mas mabuti pa ang makatrabaho ang mga banyaga kaysa kapwa Pilipino, dahil mas posibleng traydurin ka nila. Nakakagulat man na marinig ito sa kanya, ngunit karansan ang naging guro ng aking mga magulang; totoong mga pangyayari at mga personal na engkwentro sa ating mga kababayang traydor. Marahas man kung iisipin, ngunit sang-ayon ako sa nanay ko. Ang aming mga obserbasyon ay pareho. Kung titingnan ang lipunan dito sa Pilipinas, at kung mamasdan kung paano tratuhin ng mga Pilipino ang isa’t isa sa ibang bansa, masasabi kong ang ating bansa ay nagpalaki ng maraming mga alimango. 

Ang Huling Salot: “Dama-slavery”

Ito na siguro ang pinakatalamak na salot na umaatake sa ating bansa ngayon. Maraming tao na ang nabiktima ng napakalakas na sakit na ito, kung saan inaalisan sila ng abilidad na makapag-isip nang kritikal, pati na rin ng rasyonal na pag-iisip. Ito ang huling salot: “Dama-slavery.”

Ako ang gumawa ng salitang ito, kaya pasensya na kung medyo walang kwenta. Ang salitang ito ay mula sa salitang “slavery” o pag-aalipin, at “Damaso,” ang pangalan ng isang masamang prayle sa Noli Me Tangere ni Rizal. Si Padre Damaso ay kinasusuklaman dahil sa matalim nitong dila, kung saan ay madalas niyang minumura at iniinsulto ang mga taong di niya gusto. Isa rin siyang mapagmataas na hipokrito na isa rin sa mga dahilan ng mga kasiraan ni Crisostomo Ibarra, ang bida ng nobela, na isang mabait at matalinong ginoo. Huli, ginawa niya ang isang katakut-takot na bagay, at ito ay ang paggahasa sa isang babaeng nagngangalang Pia Alba sa kalagitnaan ng isang pista at nagkaroon sila ng anak; si Maria Clara.

Bakit ang pangalan ng huling salot ay isinunod sa isang piksyunal na karakter? Simple lamang ang sagot. Kung nakikita natin si Doña Victorina sa mga Pilipinong puno ng kayabangan, si Padre Damaso naman ay makikita sa ating kaparian sa maraming paraan. Ang Simbahang Katoliko ay palagi nang sentro ng mga kontrobersya; mga paring nanggagahasa ng mga dalagita (at nakakatakas), mga paring lumalaban kuno sa mga ganid na administrasyon, ngunit tumatanggap ng mga regalo nang palihim, mga paring nang-iinsulto ng mga intelektwal, mga paring nakikialam sa mga bagay na wala naman silang kinalaman, mga paring nang-iimpluwensya ng mga opinion ng mamamayan, mga paring nag-aasatang pulitiko, at marami pang iba. Tunay ngang ang simbahan ay lumihis na mula sa orihinal nitong misyon, at ito ay ang masigasig na pagpapakalat ng Salita ng Diyos.

Kung ilang beses nang kinundisyon ng Simbahang Katoliko ang mamamayan sa pamamagitan ng maling impormasyon at kahit mga banta na sila’y parurusahan ng Panginoon upang matupad ang kanilang mga mithiin. Maraming beses na nilang binaluktot ang katotohanan upang maikubli ang kanilang baho, lalo na sa kontrobersyal na “Reproductive Health Bill” (tinalakay ko ito sa mga nakaraan kong artikulo). Paulit-ulit nilang tinuligsa ang pamahalaan at sinisi sa ating kahirapan, kahit wala naman silang ginagawa upang maibsan ang sakit na nararamdaman ng ating mga kababayan, habang ginawa naman nila ang lahat upang matakpan ang mga kasalanang kanilang nagawa sa mga nagdaang taon.

Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, marami pa rin sa ating mga Pilipino ang naniniwala sa simbahan. Marami pa rin sa atin ang nakakapit sa mga “banal” na taong ito, kung saan binubuhos nila ang kanilang oras at salapi para sa ikasisiya ng mga “alagad ng Diyos.” Nananatili pa rin silang bulag sa mga kasamaang ikinalat ng mga paring kaugali ni Damaso, at handa pa rin nilang ipaalapin ang kanilang mga sarili bilang mga tauhan ng simbahan sa krusada nito laban sa lohika.

Tunay ngang itinanim ng simbahan ang isang bagay na napakasama sa isip ng ating mga kababayan; kamangmangan.

Huwag niyo nang tulugan lang ang inyong mga “alarm clocks,” mga mahal kong kababayan. Oras na para bumangon. Oras na upang tumayo at magsimulang gumawa para sa ikabubuti ng lahat. Oras na upang kumawala mula sa ating mga ilusyon at ideolohiya at lutasin an gating mga suliranin na may maayos at rasyonal na pag-iisip. Oras na upang ilabas ang lahat ng ating kakayahan, bago pa tayo malamon ng mga nakakamatay na salot ng Pilipinas.

0 comments:

Post a Comment